Mga opisyales ng barangay na sangkot sa droga, minamatyagan ng PADAC


Kinumpirma ni Palawan Anti-Drug Abuse Council (PADAC) Program Manager Raymundo Quicho na patuloy ang kanilang ginagawang pagbabantay sa mga opisyales ng mga barangay sa Palawan na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.

“Mayroon tayong binabantayan pero hindi pa natin ito sigurado kaya nga mayroon tayong monitoring sa mga barangay officials,” ani Quicho.

Ayon kay Quicho, marami sa kanilang sinusubaybayan ay nasa parteng Sur, at karamihan din umano ay mga kagawad.

Samantala, tiniyak naman nila na negatibo ang lalawigan sa pagkakaroon ng shabu laboratory, base na rin sa kanilang isinasagawang imbestigasyon katuwang ang mga awtoridad.

Dagdag pa rito, nasa lima hanggang sampung porsyento lamang din umano ng mga lokal na opisyales ng lalawigan ang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.

“Ang operasyon kasi nila dito pakalat-kalat, hindi sabing sa iisang lugar lang at may drug lord talaga,” dagdag pa ni Quicho.

Sa ngayon, patuloy pa rin umano ang pagbabantay ng PADAC. Sakaling may mapatunayan umanong positibong kasangkot sa pinagbabawal na kalakaran ay agad aaksyunan ng mga awtoridad.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.