Mga lokal na pamahalaan sa Palawan naghahanda sa El Niño

Palawan proactively addresses the onslaught of El Niño. (Photo:anyare.com)

Pinaghahandaan na sa ngayon ng mga lokal na pamahalaan ng Palawan ang pinangangambahang matinding epekto ng El Niño phenomenon na posibleng dumating sa buwan ng Oktubre.

Ayon kay Mayor Luceno D. Demaala ng bayan ng bayan ng Narra  makikipagpulong na sila sa National Irrigation Administration para maihanda na ang irigasyon sa mga sakahan.

Magpapa-abiso na rin ang LGU ng Narra sa Municipal Agriculture Office para sa posibleng pagtatanim ng variety ng palay o gulay na mataas ang resistensya sa tagtuyo upang hindi lubos na maaapektuhan ang supply ng pagkain.

Sa bayan naman ng Roxas, may mga proyekto na ring inilaan ang lokal na pamahalaan para sa mga magsasaka tulad ng mga kagamitan na maaaring ipahiram sa mga ito sakaling maranasan na ang tagtuyo.

Ayon kay Jerry Alili ng Roxas Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, nakatakda ring magpulong ang kanilang konseho (MDRRMC) para ihanda ang publiko sa matinding epekto ng inaasahang pagtama ng El Niño.

Sa lungsod naman ng Puerto Princesa, namahagi na rin umano ng mga binhi ng palay at gulay ang City Agriculture Office sa barangay para maaga silang makapagtanim.

Ayon kay Melissa Macasaet, city agriculture officer, may rekomendasyon na sa pamahalaang lungsod ang kanyang tanggapan para sa mas maayos na irigasyon ng mga magsasaka na magagamit ng pang-matagalan.

Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, inaasahang hihigitan pa ng paparating na El Niño ngayong taon ang naitatala noong 1997, kaya nagbabala ito sa publiko na paghandaan ang epekto nito mula buwan ng Oktubre hanggang sa unang tatlong buwan ng Enero sa susunod na taon.

You may also like...