Mga katutubo at dating rebelde, nakatapos ng kursong agrikultura

Ang mga nagsipagtapos ng kursong Produce Organic Vegetables (Leading to Organic Agriculture Production NCll) sa Brooke’s Point, Palawan. (Photo credit: Romeo Tan)


Nagsipagtapos ng kursong  Produce Organic Vegetables (Leading to Organic Agriculture Production NCll) ang 25 katutubo at rebel returnees noong ika-26 ng Mayo 2018 sa Kelang Banwa Sityo Mancongon, Barangay Amas, Brooke’s Point, Palawan.

Ayon kay Victor Colili, ang SB IPMR o Sangguniang Bayan Indigenous Peoples Mandatory Representative, esklusibo lamang para sa mga katutubo ang NCll training na nagsimula noong May 16 at natapos noong May 26, 2018, sa pangunguna at pakikipagtulungan ng pamahalaan ng Brooke’s Point, Marine Battalion Landing Team 4 commanding officer Lt.  Col. Darwin De Luna at provincial TESDA.

Labing-lima sa 25 na mga katutubong nagsipagtapos ang kumpirmado ng Western Command na mga rebeldeng nag-balik loob sa pamahalaan, ayon kay Colili.

Kaugnay nito, nangako naman na magbibigay ng lupaing matitirahan at mapagtataniman ng organikong gulay sa mga katutubong nagsipagtapos ang alkalde ng bayan ng Brooke’s Point upang anya ay magamit ng mga katutubo ang kanilang natutunan sa training at maiwasan na rin ang pagputol ng mga punong kahoy at pagkakaingin na naging sanhi ng kalbong kabundukan.

“Sa sino mang katutubong  interesadong tumira sa kapatagan ay bibigyan natin ng lupang matitirhan at  lupang mapagtamnan ng gulay,” ani Mayor Mary Jean Feliciano sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng mga katutubo.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...