Marcaida, naging emosyonal sa harap ng konseho


Naging emosyonal si Mayor Luis Marcaida III nang magsalita ito ngayong araw, Pebrero 27, sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod patungkol sa kanyang desisyon na manumpa bilang alkalde ng lungsod, na diumano’y sanhi ng pagkakaroon ng samaan ng loob sa pagitan niya at ng mga konsehal.

“Malungkot po ang inyong lingkod dahil ang bawat miyembro po ng Sangguniang Panlungsod ay itinuring kong kapatid, tinuring kong kasama, kakampi at alam ko na ang aking nagawa noong nakaraang linggo ay nagdulot ng ‘di pagkakaunawaan at dibisyon kung mayroon mang desisyon sa Sangguniang Panlungsod. Pero alam ko po ito ay nagdulot ng pagputol ng ugnayan ng inyong lingkod at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at dahil po d’yan ako po ay humihingi ng tawad, humihingi ng pang-unawa. Marami pong dahilan kung bakit po natin ito ginawa pero sana maunawaan po ninyo na tayo po ay isang grupo at ano man po ang kasiraan ng isa ay maaring maging kasiraan ng lahat,” emoyonal na tinuran ng alkalde.

“Buong pagpapakumbaba po akong lumalapit sa miyembro ng pamahalaang panlungsod. Mahal ko po ang ating punong lungsod, mahal ko ang bawat isang miyembro. Marami pa po tayong dapat gawin na atin pong naipangako sa mamamayan. Marami po tayong inarubahang mga programa at gusto ko po kayong makasama,” dagdag pa ni Marcaida.

Humingi din ang alkalde ng paumanhin para sa mga naging epekto ng kanyang desisyon, at upang hindi maging dahilan ng paninisi ng mamamayan kung bakit tumigil ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

“Nalulungkot po ako dahil ang mga kapatid ko po at kasama ay ‘di ko po nakakausap. Alam ko po na hindi magiging madali sa inyo dahil sa iba’t ibang mga dahilan, pero gusto ko pong iparamdam sa inyo na ako po totoo sa aking mga sinasabi,” naluluhang turan ni Marcaida.

“Anuman pong oras na bumaba ang desisyon ng Korte, ng Korte Suprema man o Court of Appeals na ipinapawalang-sala ang ating punong lungsod [] ako po ay bababa bilang caretaker mayor,” dagdag pa niya.

Kasunod naman nito ay nagpahayag din ng saloobin ang mga konsehal patungkol sa kanilang sama ng loob sa alkalde dahil pakiramdam nila umano ay tinatraydor sila ng kanila mismong kasama. Dagdag din ng ilan, hindi pa rin nila matanggap ang desisyon ni Marcaida.

Hanggang ngayon, umaasa pa rin ang alkalde na magkakaroon na ng kaayusan sa pagitan niya at ng mga konsehal ng lungsod.


You may also like...