Malaking multahan sa mga nahuling sasakyan sa Brooke’s Point, inireklamo

Nais kumpletuhin ng mga nakumpiskahan ang mga papeles ng motorsiklo subalit inaantay pa nila ang pagbubukas ng LTO sa Brooke’s Point dahil sa sobrang laki umano ng gastusin kung pupunta pa sila sa lungsod ng Puerto Princesa.


Nagrereklamo ang mga residente ng bayan ng Brooke’s Point sa taas ng multang ipinataw sa kanila ng Highway Patrol Group (HPG) Team 4B Palawan sa pangunguna ni Chief Inspector Ariel M.  Abanto matapos ang biglaang inspeksyon at panghuhuli ng mga colorum na motorsiklo sa National Highway, Barangay Pangobilian, Brooke’s Point.

Ayon kay Hermi Obi, 21 taong gulang na biktima ng panghuhuli, umabot umano sa P18,000 ang kanyang bayarin sa Land Transportation Office (LTO) matapos mahuli ang hiniram lamang nitong XRM 125 na motorsiklo dahil sa mga violation na walang lisensya, walang side mirror, at hindi dalang OR/CR.

Hindi rin umano siya bibigyan ng LTO ng lisensya o kahit student permit sa pagmamaneho sa loob ng 365 days o isang taon dahil sa kanyang violation.

“Nabigla ako sa taas ng multa, para na rin akong bumili ng second hand na motorsiklo. Ang unlicensed driver P3,000, ang walang dala at expired na OR/CR P10,000 at walang side mirror naman ay P5,000. Tapos ayaw pa akong bigyan ng student permit o license sa loob ng isang taon ng LTO dahil sa mga violation,” pahayag ni Obi.

Ganito rin ang reklamo ng ilan pa sa 36 taong nakumpiskahan ng motorsiklo na sa ngayon ay kasalukuyang naka-impound sa PNP Brooke’s Point.

Nais din umano nilang kumpletuhin ang mga papeles ng motorsiklo at kanilang pagmamaneho subalit inaantay nila ang pagbubukas ng LTO sa Brooke’s Point dahil sa sobrang laki umano ng gastusin kung pupunta pa sila sa lungsod ng Puerto Princesa.

“Sa buwanang bayarin pa nga lang sa motor hirap na kami. Sobrang laki din ng gastos kung pupunta kami ng lungsod dahil pag di natapos ang transaction sa isang araw ay magbabayad pa ng matutulugan at gastos din sa pagkain. Pag nagkataong di alam ang gagawin ay mabibiktima pa ng mga mapagsamantalang fixer sa LTO,” dagdag naman ni Mario Lacap

Dahil sa bigat ng bayarin ay dumulog ang mga residente sa tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Sumulat si Mayor Mary Jean Feliciano sa Sanggunian Bayan upang matalakay sa session at mabigyang solusyon ang hinaing ng mga mamayan.

Bilang pagtugon ay nagpatawag ng committee meeting ang Sangguniang Bayan sa pangunguna ng chairperson ng committee on transportation na si Kgd. Arturo B.  Ferraris kasama ang PNP Brooke’s Point na nirepresenta ni SPO4 Jo Lumilay.

Si SPO4 Lumilay ang pulis na nakatalaga ng magkaroon ng panghuhuli ang HPG. Dumalo rin ang mga kapitan ng 18 barangay sa Brooke’s Point at si TODA Federation President Meleton Aljas.

Tinalakay sa pagpupulong ang reklamo ng mga mamamayan na pagpataw ng malaking multa gayon din ang basehan ng HPG sa pagpapatupad nito.

Ayon kay SPO4 Lumilay, biglaan umano ang pagdating ng mga taga-HPG sa Brooke’s Point na syang nagpatupad ng panghuhuli matapos na makipag-coordinate sa kanilang himpilan.

Bagama’t walang nabanggit ang mga ito sa batas trapikong kanilang ipinatupad ay sila na mismong pulis Brooke’s Point sa pangunguna ni PSI Bronson C. Caramto ang naghanap ng legal basis  upang masagot ang mga katanungan at maipaliwanag sa mga mamayan kung bakit sobrang laki ang multa ng bawat paglabag.

“National law po ang ipinatupad ng Highway Patrol at nakasaad sa R.A. 4136 ang lahat ng parusang ipinataw,” sabi ni SPO4 Lumilay

Bagamat naaawa umano sila sa mga taong nahuli dahil sa laki ng bayarin ay wala silang magawa dahil nagka-ticket ang mga ito at resibo pa ng LTO ang ginamit ng Highway Patrol.

“Wala po kaming magawa kundi antayin na lamang ang mga resibo ng binayaran nila sa tanggapan ng LTO para marelease ang kanilang motorsiklo, ” dagdag pa ni SPO4 Lumilay.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...