Mahigit 200 lokal na opisyales ng Palawan nanumpa sa Partidong PDP-Laban

Nanumpa ang mahigit 200 lokal na opisyales ng Palawan sa partidong PDP-Laban noong ika-12 ng Hulyo sa pamamagitan ni House of Representative Speaker Pantaleon Alvarez.

Mahigit 200 lokal na opisyales ng Palawan  ang dumalo at nanumpa bilang mga opisyal na miyembro ng partidong PDP- LABAN.

Bago tuluyang maging miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino- Lakas ng Bayan (PDP- LABAN), sumailalim sa Pre-Membership Seminar noong ika-11 ng Hulyo ang mga opisyales ng iba’t-ibang munisipyo sa Palawan na sinundan ng panunumpa noong ika-12 ng Hulyo  sa harap ni Speaker of the House of Representative Pantaleon D. Alvarez sa JCA Pavillion, Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa seminar ipinaliwanag ni Ka- Edison B. Almazan, Chairman ng PDP- LABAN Education committee ng NCR at Ka-Reygela Montero Decalit, chairman ng PDP- LABAN Education Committee ng CARAGA Region ang katangian ng partido gayundin ang limang pangunahing panuntunan nito.

Isa sa mga panuntunan ng partido ay ang pilosopiya na “theism” na isang paniniwala sa iisang Diyos na tagapaglikha.

Inihalintulad ni  Ka-Reygela ang partido sa gitnang daliri na aniya’y marapat na sentro ng buhay ng bawat miyembro ng PDP- LABAN ang Diyos Ama; ang Socialism, Democratic Nationalism, pagkakapantay- pantay, at consultative and participatory government.

Naging sentro rin ng usapin ang federalismo na ayon sa kanila’y magkakaroon ng isang federal state ang bawat rehiyon kung ito’y tuluyang maisakatuparan. Anila, bagamat hindi na unitary system ang gobyerno kapag nagkataon, may mga bagay pa rin na isasaalang- alang tulad ng pagkakaroon ng iisang  watawat, konstitusyon, hukbong sandatahan, pera at iba pang mga bagay na hindi kinakailangang baguhin at ibukod.

Sa pagtatapos, nailuklok bilang Provincial President ng PDP- LABAN si Vice- Governor Victorino Dennis Socrates, Congressman Gil “Kabarangay” P. Acosta bilang bise- presedente at Secretary General naman si Gov. Jose Ch. Alvarez. Samantalang presidente ng panlunsod na partido si Mayor Lucilo R. Bayron at Vice-Mayor Nancy Socrates bilang bise- presidente.

Nakiisa rin sina Chairman Danny Dayahinang ng Davao City at Executive Vice- President Benny Brizuela ng Lucena City na nagmula sa Philippine Councilor’s League national level.

 

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...