Magsasaka, pinatay ang nakababatang kapatid


Isang magsasaka sa bayan ng Quezon sa southern Palawan ang sinaksak ng itak ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki dahil sa pagtanggi nitong ibili siya ng alak noong February 5, alas singko ng madaling araw.

Dead on arrival sa Quezon Medicare Hospital ang biktimang kinilalang si Erwin Abono, 29, matapos siyang saksakin ng itak sa dibdib ng nakatatandang kapatid at suspek na si Abel Abono, 34.

Ang insidente ng panaksak ay nangyari sa Sitio Sarangsang, Barangay Panitian, Quezon, ayon kay Police Senior Inspector Ric Ramos, ang tagapagsalita ng Palawan Police Provincial Office.

Ayon pa sa kanya, nakikipag-inuman ang suspek sa kanyang mga kaibigan ng utusan niya si Erwin na bumili ng alak sa tindahan. Pero tumanggi si Erwin na ikinagalit naman ng suspek.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo na umabot sa suntukan ng dalawang magkapatid. Inawat sila ng mga kaibigan, pero umuwi ng bahay si Abel at kumuha ng itak at saka sinaksak ang biktima.

Ang suspek ay naaaresto rin ng mga pulis ng Quezon Municipal Police Station, pero hindi nakumpiska ng mga ito ang ginamit na panaksak.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...