Mabait nga si Jerry


Hindi mo na siya kailangan pang tanungin. Hindi mo na kailangan pang magsalita. Kusa ka niyang kakausapin, tatanungin at titiyaking alam kung ano ang sasakyan, patungo sa kung saan. ‘Yan si Jerry Casumpang. Palagi siyang nakikita sa mga terminal at sakayan paikot-ikot sa Puerto Princesa.

Palagi  siyang nakikita sa mga lugar na ito dahil siya ang barker o taga-tawag ng pasahero…pero mas kilala siya sa mga araw-araw na pasahero dahil mapapansin mo agad na wala siyang mga kamay. Putol ang parehong braso ni Jerry.

Si Jerry ay 40 taong gulang. May asawa at kambal na lalaking anak. Kapwa hindi na naipagpatuloy ng mga anak ni Jerry ang kanilang pag-aaral dahil sa kakapusan ng pang-matrikula. Nasa ikalawang taon sa kolehiyo na sana ang 17 anyos na kambal, pero dahil naaawa na raw sila sa tatay nila sa kakapainit, nagpasya silang tumigil na at maghanap-buhay na rin.

Ang totoo, pito ang unang pinapag-aral ni Jerry. Mga pamangkin niya ang mga ito na ulila na sa ina. Nang lumaon, nahirapan na rin siyang itaguyod ang mga bata kaya natigil din sila sa pag-aaral. Tinanong ko siya kung bakit siya ang nagpapaaral. “Anak naman ‘yun ng kapatid ko. Medyo mura lang naman ang pagpapaaral sa kanila dahil walang matrikula.” ‘Yun lang ang dahilan niya. Anak ng kapatid niya. Mga pamangkin. Hindi baleng mahirapan sya. Hindi baleng mas marami pa ang ibang pinapag-aral niya kaysa sa kanilang mag-anak. Mabait nga siguro si Jerry, naisaloob ko.

Sabi ni Jerry likas na sa kanya ang tumulong. Kung may magagawa siya, gagawin niya. Kung minsan daw siya pa ang nagpapakain sa mga taong lumalapit sa kanya. Hindi naman siya nagyayabang, nagbabanggit lamang siya ng mga ginawa niya. Maging kung paano siya napasok na barker.

Dahil namatay ang dating barker, walang kakayanan marahil ang mga kamag-anak, halos siya na rin ang nagpalibing. Pinayagan naman daw siya ng barangay captain sa lugar na siya na ang magtawag na pasahero yamang wala pa rin naman daw siyang trabaho ng mga panahong iyon.

Ito ring kabutihang ito ang naging dahilan kung bakit naputol ang mga braso niya. Kwento nya, construction worker siya noong taong 2010. Enero ng taong iyon nakuryente siya. Ipinakita niya pa sa akin ang pilat sa ulo niya. Nobyembre ng taon ding iyon, naganap ang nagpabago ng husto sa buhay at pagkatao niya.

Galing  siya noon sa pagluluksa sa kakalibing lang niyang tatay. Medyo puyat pa nang pinasundo ng isang katrabaho upang tapusin na raw ang ginagawa nilang gusali. Halos ayaw na daw siyang payagan ng asawa pero nagpursige pa rin siya sa pangakong tatapusin lang ang gawaing ito at maghahanap na ng panibagong mapagkakakitaan. Masyado raw mababa ang pasahod sa trabahong ito at inuunti-unti pa ang pagbabayad sa kanila.

Apat daw silang may hawak sa mahabang bakal na ikakabit nila sa tuktok ng gusaling ginagawa nila. Sumabit ang dulo ng bakal sa pinakamakapal na kable ng kuryente sa may poste. Kung bibitawan niya raw ang bakal, madidisgrasya ang mga kasama niya. Sa maling pagtantiya, hinila niya ang bakal na nakasukbit sa malaking kawad sa poste ng kuryente. Napigtal ang kawad mula sa poste at dumikit sa bakal na hawak niya. Agad niyang naramdaman ang pagpasok ng kuryente na nagpamanhid sa buo niyang katawan. Umikli daw ang kanyang paningin. Hindi siya nakaalis sa kanyang kinatatayuan. Nakita at naramdaman niya ang kislap ng kuryente na pumapasok sa kanya. Ang tanging nasa isip niya lang daw ng mga sandaling iyon ay “Dios ko, gusto ko pang mabuhay!” Iyon lang at biglang nawalan ng kuryente ang buong lugar nila, kasabay ng pagtigil ng daloy ng kuryente sa hawak niyang bakal. Hindi raw siya nawalan ng malay. Gising siya hanggang sa panahong dalhin siya sa pribadong ospital. Ang sabi pa nga raw ng doktor sa kanya, “Ikaw na naman!” Natandaan siya ng doktor na gumamot din sa kanya ng Enerong nagdaan.

Napinsala ang dalawang braso ni Jerry. Ang kanyang kanang hita, binti at paa ay nasunog rin. Doon lumabas ang kuryenteng sinambot niya para hindi mapahamak ang mga kasamahan niya. Wala naman ni isa sa kanyang apat na kasama ang nasaktan. Tanging siya lamang ang nagtamo ng sunog. Ang kanyang hita at binti ay halos nagdikit bunga ng pagkasunog. Kinalaunan, napaghiwalay din naman ang balat ng kanyang hita at binti pero bakas pa rin ang malaki at maraming pilat.

Sa ospital na pinagdalhan sa kanya, sinabihan siya ng doktor na aalisin lamang ang mga bahagi ng mga braso at kamay niya na nasunog. Pero dahil pribadong ospital iyon, napagpasyahan ng kanyang amo na ilipat siya sa ibang ospital–isang desisyon hindi niya na napigilan. Sa pinagdalhan sa kanya, inabot pa daw ng walong araw bago siya tuluyang asikasuhin. Sa mga sandaling ito, halos nagka-kumplikasyon na rin daw sa puso niya. Wala nang maidesisyon ang kanyang maybahay nang sinabihan ito ng mga doktor na ikamamatay niya kapag hindi pinutol ang kanyang mga braso. Wala na rin siyang magawa at malamang isipin ng mga sandaling iyon sa sakit at desperasyong nararamdaman niya. Nagising na lamang siya na wala na ang kalahati ng kanyang braso at mga kamay.

Dama ko ang galit ni Jerry habang nagkukuwento siya. Mula sa masigla at maligaya niyang pagkukuwento ng mga karanasan niya bilang barker, dumiin ang bawat salitang binibitawan niya. Mga galit na salita ng pagpapabaya. Mga maririing salita ng kawalan ng pakialam sa kanya ng among pinagtrabahuhan nya. Dama ko ang damdaming humihingi ng katarungan. Umiwas siya ng tingin sa akin upang itago ang nangingilid niyang mga luha. Pinipikit-pikit niya na lamang ang kanyang mga mata upang hindi siya maluha. Hindi maaaring ipagkamali ang galit niya pa ring damdamin sa pagka-alaala sa sinapit niya.

Kung sana’y nanatili sya sa pribadong ospital, hindi sana naputol ang kanyang braso. Kung sana ay inasikaso siya sa ospital na pinaglipatan sa kanya, sana’y hindi lumala ang kanyang mga paso o siguro’y hindi nagkakumplikasyon sa kanyang puso. Kung sana’y pinagmalasakitan siya, hindi naibenta ang ilang ari-arian nila upang ipangbili ng gamot niya na halos ilang libo rin bawat araw.

Pero siguro nga sadyang mabait lang si Jerry. Humupa ang galit sa boses at dibdib niya nang muli niyang inalala ang pagbangon niya mula sa trahedyang ito. Likas na masipag si Jerry. Noong hindi pa siya nadidisgrasya, naranasan niya na raw maging panadero, tubero, karpintero, magpalaot, maglako ng isda, magtinda ng uling.

Pagkatapos ng ilang buwang pagpapagaling at pagkabago ng kanyang pagkilos, ninais sana ni Jerry na iwanan na lamang siya ng kanyang mag-iina. Naisip niyang pabigat na lamang siya sa asawa niya na ngayo’y kailangang mag-isip ng ikakabuhay ng kanilang kambal na anak. Pero hindi pumayag ang kanyang asawa. Sa halip sinabihan siya nito na pumirmi na lamang sa bahay at magpalakas.

Nabigyan sila ng puhunan ng ilang kamag-anak upang magsimula ng tindahan. Madali naman daw nilang napalago ang tindahan. Pero dahil nga mabait siya, mas marami pa ang umuutang nang walang bayaran. Nagkakagalit na raw sila ng kanyang asawa dahil hindi na lumalago ang tindahan nila. Nang mga panahong ito, unti unti na muling naigagalaw ni Jerry ang mga braso niya. Unti-unti na muli niyang napapanormal ang kilos niya.

Natuto siyang magbihis at mag-asikasong mag-isa. Tatlong taon na niyang ginagawa ang pagtatawag ng pasahero. Tatlong taon na siyang palipat-lipat ng lugar para magtawag ng pasahero. Kung minsan, kahit napupuno niya na ang mga multi-cab na pumapasada, hindi man lang siya abutan ng barya ng driver. Mayroon naman din daw na kahit wala siyang napasakay, naabutan siya kahit paano. Sa maayos na araw, hindi bumababa ng tatlong daan ang kita niya. Kung minsan may mag-aabot pa ng pera sa kanya.

Pero dahil nga mabait si Jerry, hindi siya tumitigil ng pagtulong sa ibang tao. Katwiran niya, bumabalik din naman sa kanya ang perang ipinangtulong niya dahil patuloy siyang nagsusumikap.
“Naniniwala talaga ako sa kasabihang nasa tao ang gawa, nasa Dios ang awa. Walang mangyayari sa’yo kung hindi ka magsusumikap,” pangangatwiran ni Jerry.

Tinanong ko sa kanya kung nakatulong ba ang kanyang pagkilala sa Dios sa nangyari sa kanya. Muling lumiwanag ang mata ni Jerry.

“Marami akong bisyo dati. Lalo na ang sugal. Pero nang magsimula akong magsimba, sumama sa mga Bible study, natigil ang bisyo ko. Naninigarilyo pa rin ako paminsan-minsan, pero minsan wala na rin. Ang pag-inom, ilang taon ko nang ‘di ginagawa. Sa pagba-Bible study, nakatulong para masaliksik ko ang sarili ko. Saan ba ako nakatulong? Saan ba ako naging tama? Sumosobra na pala ang mali kong ginagawa, naitatama ko, naihihingi ko ng tawad. Bago ako matulog, paggising ko, nananalangin ako, nagpapasalamat.”

Noong nangyari ba ang aksidente, sinisi niya ba ang Dios? “Hindi ko po sinisi ang Dios. Natuwa pa rin ako na kahit nangyari ‘yun, buhay pa rin ako. Akala ko wala na ako e. Pero nung panahong ‘yun, naramdaman kong nasa harap ko lang ang Dios, kasi pagkasabi kong ‘Gusto ko pang mabuhay Lord’ biglang nagbrown out!”

Napaisip ako, kung ganito ang itsura ng mabuti at mabait na tao, wala na sanang mahirap pang gawin. Wala na sanang hindi kayang pagtagumpayan. Wala na sanang mag-iisa o magugutom o maliligaw. Naisip ko, mabait nga si Jerry.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...