Lolo natagpuang patay sa ilog sa Brooke’s Point


Patay at nakalutang na sa ilog si Manuel Aborot, 72 anyos, residente ng Sitio Curanga, Brgy. Barong-barong, Brooke’s Point, Palawan na posible umanong nalunod ayon sa mga otoridad.

 

Sa ulat ng Brooke’s Point Municipal Police Station, tumawag sa kanila si Brgy. Captain Eugenio Caabay hinggil sa pagkakatagpo kay Aborot. Ayon kay Brgy. Capt. Caabay, ang biktima ay natagpuan ni Maribel Baaco.

 

Huling nakita ang biktima na nakipag-inuman sa bahay nina Merardo Baaco noong gabi ng Sabado,ika- 26 ng Marso. Hindi naglaon nagpaalam na umano ito na umuwi sa kanyang bahay sa kabilang ilog.

 

Ayon sa mga kaanak ng biktima, hindi na raw ito nakauwi noong Sabado ng gabi at umabot sa 24 oras ang kanilang paghahanap at nang natagpuan ang biktima  wala na itong buhay.

 

Dinala pa ang biktima sa Southern Palawan Provincial Hospital subalit hindi na naagapan. Walang nakitang foul play sa nangyari sa biktima kung kaya pinaghihinalaang nalunod ito.

 

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...