Lola sa Brooke’s Point, nabiktima ng Budol-Budol gang

Si lola Mareng Urbano na nabiktima umano ng Budol-Budol gang sa Barangay Pangobilian sa bayan ng Brooke’s Point.


Isang 72-anyos na lola ang nabiktima umano ng Budol-Budol gang sa Barangay Pangobilian sa bayan ng Brooke’s Point noong Abril 4.

Ang lola ay kinilala ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) na si Mareng Urbano, residente ng Sityo Suring, Pangobilian.

Sa panayam ng Palawan News sa biktima, ikinuwento nito na nagpanggap na mag-aayos ng sirang mga appliances ang mga nagpakilalang tatlong magkakapamilya na umiikot sa mga kabahayan sa Pangobilian.

“Umiikot sila sa kabahayan at nagtatanong kung may mga sirang appliances o electric fan. Nag-aalok silang aayusin daw sa murang halaga, pero pag di nila maayos ay pilit nilang dadalhin daw sa shop nila sa bayan,” kuwento ni Urbano.

Inilarawan niya ang mga suspek bilang ang matandang lalaki ay may mga 30-anyos, medyo may kapayatan, paha ba ang mukha at maraming ap-ap sa balat.

Ang binatilyo ay nagpanggap na anak at ang babaeng kasama ay siya umanong nanay. Ang babae ay katamtaman ang tangkad at maganda ang pangangatawan.

Nilansi umano siya ng binatilyo at babae sa labas ng bahay habang ang nagpakilalang tatay ay inakala nyang nag-aayos sa loob.

Ilang sandali lang ay lumabas ang lalaki dala ang kanyang 21 inches na Panasonic television at sinabing aayusin ito sa loob ng kanyang shop.

“Di na ako nakaimik ng dalhin nila ang tv ko. Kung ibabalik nila ay magbabayad naman ako,” pahayag ng lola.

Samantala, patuloy naman ang pagmamanman ng mga kaanak ng biktima at ang pulisya sa naturang insidente.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...