Lalaki, timbog sa drug bust sa Brooke’s


Arestado ang isang 45 anyos na suspek ng pulisya sa isang drug buy-bust operation dahil umano sa pagtutulak ng shabu sa Sitio Balacan, Barangay Pangobilian, Brooke’s Point.

Ang suspek ay kinilalang si Noli Creador na nakatira sa Barangay Aribongos ng natura ring bayan. Inaresto siya ng mga elemento ng Brooke’s Point Municipal Police Station bandang alas 10 ng gabi noong February 7.

Ang buy-bust operation ay pinangunahan ni Police Chief Inspector Bronson Caramto ng MPS, ayon sa tagapagsalita ng Police Provincial Office (PPO) ng Palawan na si PSI Ric Ramos.

Nakumpiska mula sa kanya ang dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P2,500. Nakuha sa kanya ang tig-iisang daang pisong cash at isang P500 na nagsilbing marked money.

Kumpiskado rin mula sa suspek ang isang cherry mobile cell phone at ang kanyang motorsiklong ginamit.

Paglabag sa Republic Act 9165 ang kakaharapin na kaso ni Creador na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad.

Ang mga nakumpiskang pinaghihinalaang shabu o methamphetamine hydrochloride ay dadalhin sa Palawan Provincial Crime Laboratory para suriin. Ihinanda na ang kaso laban sa suspek na isasampa sa Provincial Prosecutor’s Office.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...