Lalaki, nanghamon ng ‘sparring’ sa mga pulis


Isang lalaki ang pansamantalang ikinulong ng mga pulis sa City PNP Station 1 noong Biyernes, ika-8  ng Hunyo matapos umanong manggulo ito at manakit ng ilang tao sa isang construction sa Wescom Road, Barangay San Miguel.

Kinilala ang lalaki na si Victorino dela Cruz, 42 anyos, na residente rin ng nasabing lugar. Ayon kay PO2 Mark Magbanua, nagpakilala itong pulis sa mga trabahador sa construction site at nagsabi pang “bata” siya ni dating PNP director general Ronald “Bato” dela Rosa.

Bukod dito, nagwala din ito sa loob ng City PNP Station 1 at hinamon ng suntukan ang mga pulis na nandoon. Nasira nito ang pinto ng police station at nasipa ang isang pulis bago pa ito napigilan sa pagwawala.

Pinakawalan din ito noong Biyernes matapos malaman sa kapatid nito na ayaw pabanggit ng pangalan na ito ay mayroong problema sa pag-iisip.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...