Driver, huli sa tangkang panununog


Isang driver ang inaresto ng mga pulis bandang alas sais ng hapon noong Biyernes matapos tangkaing sunugin ang kanilang buong bahay dahil sa alitan nila ng kinakasamang vendor sa Barangay Tiniguiban.

Ayon sa spot report ng City Police Office (CPO) na ibinahagi sa local press ni Police Senior Inspector Felix Rivera, inaresto si Vincent Salameda, 30, dahil sa pagbabanta sa kanyang kinakasamang vendor na si Flordeliza Canales, 38, na susunugin nito ang kanilang bahay sa Purok Kaakbayan, Tiniguiban, dito sa lungsod dahil sa paninita sa pag-gamit niya ng droga.

Ayon kay Canales, nakita niya si Salameda na gumagamit ng iligal na droga bago ang kanilang pag-aaway. Agad siyang kumaripas paalis ng bahay nila dahil sa banta.

Naiwan ang suspek na pinagsisira ang mga gamit sa bahay at pagkatapos ay binuhusan ng thinner ang kanilang pinto na gawa sa sawali.

Nagawa namang patayin ng biktima ang apoy kaya hindi na ito kumalat pa. Tinatayang nasa P12,000 ang natupok na ari-arian.

Samantala, agad rumesponde ang mga otoridad at inaresto ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong arson.

Samantala, ayon kay Rivera, naipasa na nila ang mga detalye ng kaso sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sumailalim ang arson suspect sa inquest proceeding.

You may also like...