Krisis sa tubig sa Puerto Princesa patuloy hanggang hindi umuulan


Hanggang hindi pa rin umuulan posibleng matatagalan pa bago bumalik sa normal ang suplay ng tubig sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa ipinatawag na water crisis forum ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) noong ika-30 ng Abril 2015 sinabi ni Engr. Juan Arquero, Jr., manager ng engineering department na bumaba nang husto ang lebel ng tubig sa ilog ng Bgy. Irawan.
Pitumpong porsyento ng tubig ng lungsod ay nagmumula sa naturang ilog.
Isa sa inaasaahan ng PPCWD na makatulong ng malaki upang malutas kung hindi man maibsan ang krisis sa tubig ay ang pagsisimula ng konstruksyon ng Montible-Lapu-lapu water system project.
Ayon kay Antonio Jesus Romasanta, general manager ng PPCWD ang lagda na lang ni Department of Justice Secretary Leila de Lima ang hinihintay upang masimulan ang proyekto. Kapag natuloy ito, malaking tulong ito upang hindi na mararanasan ng mga residente ng lungsod ang ganito katinding krisis sa tubig.
Habang patuloy ang problema sa tubig, ipinapatupad pa rin ang pagrarasyon ng tubig sa pamamagitan ng paglalagay ng12 oras na schedule sa bawat lugar. Ang schedule ay 12:00 ng hating gabi hanggang 12:00 ng tanghali at 5:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ayon sa mga opisyales ng mga barangay sa lungsod na inimbitahan sa naturang forum, hindi umano nasusunod ang nasabing schedule dahil kung minsan maaga pang nawawala ang tubig o kaya ay huli na bago magkaroon ng tubig.
Sinabi ng pamunuan ng PPCWD na kanila umanong tinitingnan ng mabuti ang ganitong uri ng reklamo. May mabababang lugar kasi na posibleng syang nagkakaroon ng tubig kaya naglalagay ng valve ang water district sa mga lugar na ito upang makontrol ang daloy.
Patuloy ang paghingi ng pang-unawa ang pamunuan ng PPCWD sa lahat ng mga residente ng lungsod dahil sa problemang ito. Sinisikap umano nila na mapaglingkuran ng maayos ang kanilang mga consumers.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...