‘Kabit-Kurtina’ Program ng DOH-4B inilunsad sa lungsod

Taglay ng kurtinang ito ang kemikal na tinatawag na permethrin na kayang pumatay ng lamok bago pa ito makakagat sa tao. (Kuha ni Ender Lesigues)

Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng Sicsican Elementary School sa lungsod ng Puerto Princesa sa Department of Health-MIMAROPA dahil sa paglulunsad ng kauna-unahang Kabit-Kurtina Program ng kagawaran laban sa dengue.

Ayon kay Angelica San Jose, principal ng paaralan, malaki umano ang maitutulong nito para maiwasan ang sakit na dengue na nanggagaling sa kagat ng lamok.

Ang nasabing kurtina ay mula sa olyset nets na itinubog sa sa isang kemikal na tinatawag na permethrin na kayang pumatay ng lamok bago pa ito makakagat sa tao.

Ayon kay DOH-MIMAROPA Regional Director Eduardo Janairo umaabot sa 620 rolls ng olyset ang kanilang ipinamamahagi sa 40 elementary schools sa buong rehiyon.

Umaabot naman sa 1,047 classrooms ang nalagyan na ng olyset nets, habang 33,931 na mga estudyante at 1,005 na mga guro na ang naisailalim sa anti-dengue orientation sa 13 munisipyo at dalawang siyudad sa lahat ng probinsyang sakop ng MIMAROPA.

“We have concentrated our efforts in areas in the province where dengue cases are high. The distribution of olyset nets is accompanied with the regular anti-dengue misting and clean up operation in barangays and municipalities in the region with the incidence of dengue,” ayon kayJanairo.

Una nang nabatid mula sa datos ng DOH na nangunguna ang Palawan sa may pinakamaraming bilang ng kaso ng dengue na umaabot sa 1,401.

Samantala target din ng nabanggit na ahensya na malagyan ang lahat ng paaralan ng kurtina na may pangontra laban sa lamok sa buong lalawigan sa mga susunod na taon.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...