=

Kalansay ng isang lolo, natagpuan sa kanyang kubo sa bayan ng Rizal


Nananawagan ngayon ang mga otoridad sa mga kamag-anak ng isang lolo na natagpuang kalansay na sa kanyang tinitirhang kubo sa liblib ng kabundukan ng Purok Balen-balen, Barangay Ransang sa bayan ng Rizal nitong nakaraang linggo.

Kinilala ang biktima na si Lando Naksina, 65 anyos, residente sa nasabing lugar.

Ayon kay PO3 Francis Dione Francisco, tagapagsalita at imbistigador ng kaso, buto na umano nang matagpuan ang biktima sa kanyang higaan sa loob ng kubo.

Kinumpirma naman ng mga doktor ng Rural Health Unit na sumuri sa kalansay na wala umanong foul play na naganap sa biktima. Hinala nila na sobrang gutom ang posibleng ikinamatay ng matanda.

Nabatid na walang kapit-bahay ang biktima dahil sa malayo ang kinatitirikan ng kubo nito. Sinasabing mag isa lamang ito sa lugar dahil binabantayan nito ang kanyang lupa.

Dagdag pa ni PO3 Francisco, nasa Brgy. Bulalacao, Bataraza umano ang mga kamag anak ni Naksina.

Pansamantalang inilibing ang kalansay sa Ransang Public Cemetery habang hinihintay na kunin at ilipat ito ng kanyang mga kamag anak.

Sa ngayon ay nagtutulungan ang mga otoridad sa lugar na iparating ang impormasyon sa kamag-anakan nito sa bayan ng Bataraza.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.