Isang lalaki, nabaril ng pulis sa Quito


Sugatan ang isang lalaki matapos itong mabaril ng isang pulis ng Puerto Princesa City sa isang insidenteng naganap Martes ng madaling araw sa Quito district ng Barangay Bagong Silang.

Ayon kay Chief Inspector Mark Allen Palacio ng City PNP Station 1, nabaril ni PO1 Michael Angelo Pelotos Flores ang isang nakilalang si Cristobal Boniola Bulan, 26, residente ng naturang lugar, matapos umanong tangkain nito na saksakin ang naturang pulis.

Sinabi ni Insp. Palacio na ayon sa salaysay ni PO1 Flores, tinangka ni Bulan na saksakin ito matapos nyang tanggihan ang alok nito na tumagay sa kanila noong ang naturang pulis ay mapadaan sa lugar na pinag-iinuman nila sa may kanto ng Roxas at Mabini Street. Kasama umano ni Flores ang dalawa pang pulis noong mangyari ang insidente.

“Definitely magkakilala sila so hindi natin alam kung ano ang pumasok sa isip ng tao (Bulan) para i-assault niya ‘yong police. Na-recover natin ‘yong patalim. Chineck natin ‘yong traces ng dugo. Siguro may past ito na galit o grudges sa mga law enforcers,” pahayag ni Palacio.

Dalawang beses umanong pinutukan ni Flores si Bulan nang tangkain ng huli na habulin ang naturang pulis dala ang isang mahabang panaksak.

“Hindi naman namatay. Noong nabaril niya, tumakbo. Hinabol niya para arestuhin, kaso nawala, tumalon sa tubig. Noong nagresponde ‘yong mga taga Station 1, tiningnan nila doon hindi na makita. Iyong mga kamag-anak ng nabaril na ‘yon, dinala siya sa Ospital ng Palawan,” pahayag pa ni Palacio sa Palawan News.

Sinampahan na ng pulis ng kasong “assault upon a person in authority” si Bulan, dagdag din ni Palacio.

“Upon investigation, it is assault sa person in authority kasi that time pauwi na ‘yong tropa. Hinatid ng isang tropa din. Hinarang siya noong tao na ‘yan (Bulan) para patagayin. Siyempre madaling araw na ‘yon uuwi na sila, nilampasan nila, hindi sila tumagay. That time, bumili lang sila sa tindahan, then ‘pagbalik hinarang ulit sila [ni Bulan] tapos inundayan ng taga. Napatalon sila sa motor at nagtago sila sa mga tricycle, kasi masikip ‘yan diyan sa may Quito,” ayon sa Palacio.

Sinabi din ni Palacio na magkakaroon ng malalim pang imbestigasyon ang pulisya sa naturang insidente.

Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang kapatid ng nabaril na si Bulan dahil sa pangyayari.

“Sa ngayon nangangamba din po kami. Hindi pa po masyadong makausap. Maya-maya po siya natatakot. Hindi po makasalita, natatakot lang siya. Gusto ko maayos lang ang kapatid ko at maligtas,” ayon kay Michael Bulan, nakababatang kapatid ng nabaril.

Tumanggi naman si Flores na magbigay ng pahayag tungkol sa nangyari.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...