Isang bahay sa Narra, tupok matapos masunog


Isang sunog ang tumupok sa isang bahay sa Santolan Street, Rizal Avenue, Narra, Palawan ngayong umaga, Hunyo 5. Pagmamay-ari ang nasabing bahay ni Napoleon Cortez Sr., isang senior citizen at residente ng nasabing lugar.

Rumesponde ang Narra Fire Station sa insidente matapos makatanggap ng tawag sa isang Wilmer Salvador, isa ring residente, bandang 9:27 kaninang umaga. Tumagal ang sunog ng humigit-kumulang isang oras at ikinatupok ng nasabing bahay na gawa lamang sa light materials.

Ayon sa karagdagang panayam ng Palawan News sa hepe ng Narra Fire Department na si SFO4 Ronald Talabucon, pinaghihinalaang nagsimula ang apoy sa naiwang sinaing sa bahay, na maaari umanong pinalala ng mahanging panahon.

Pinaalalahanan naman ng Narra Fire Station ang publiko na lalong mag-ingat kaugnay na rin ng sunod-sunod na sunog na naitatala sa probinsya. Matatandaang nito lamang Sabado, Hunyo 3, ay mahigit 100 pamilya ang nawalan ng bahay at ari-arian sa sunog sa Liberty Puloy, Barangay Bagong Sikat, Puerto Princesa.

“Kapag ganito kainit ang panahon at sobrang hangin, mas mabilis kumalat ang apoy kaya dapat na mas lalo tayong mag-ingat sa mga gawain na pwedeng simulan ng sunog kagaya ng pagluluto at pagsisiga ng basura sa mga bahay,” dagdag ng nasabing hepe.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...