Isang babae patay matapos tumilapon ang sinasakyang traysikel


Patay ang isang babae na kinilalang si Anna Meridor Suniega, 67 anyos, may asawa at residente ng Barangay Sta Monica, Puerto Princesa City, dakong alas sais ng gabi, ika-2 ng Setyembre, matapos tumaob ang sinasakyan nitong traysikel. Ayon sa tumatayong imbestigador ng nasabing aksidente na si SPO1 Allan Remojo, nangyari ang pagtaob ng sasakyan matapos umano itong mag-over shoot sa kabilang linya ng kalsada dala ng mabilis na pagpapatakbo.

Ang nasabing tricycle ay minamaneho ni Edwin Llamas Escubin, 44 anyos, mula sa Los Baños, Laguna at pansamantalang naninirahan sa Bgy. Sta. Monica ng lungsod na ito. Dagdag pa ni SPO1 Remojo, sinubukan pa umano ng drayber na magpreno ngunit dahil sa pababa ang kalsada ay hindi na ito napigilan, dahilan kung bakit tumilapon palabas ang dalawang pasahero at agarang pagkamatay ng biktima. Idineklarang Dead on Arrival ang biktima matapos isugod sa Ospital ng Palawan. Samantala, kasalukuyan namang nakaratay ang isa pang biktima na si Marife Suniega Escobin, gayundin ang nasabing drayber, sa isang pribadong ospital matapos lapatan ng pangunang lunas sa Ospital ng Palawan.

Napag-alaman din umano ng mga imbestigador na ang mga ito ay magkakamag-anak at mayroon lamang umanong binisita sa Barangay Binduyan. Pauwi na umano ang mga ito nang mangyari ang aksidente. Sakali naman na magsampa ng kaso ang ibang kapamilya ng mga biktima, si Escubin ay nahaharap sa kasong ‘reckless imprudence resulting to homicide and double physical injury’.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...