Hepe ng Palawan Rescue 165, patay sa pamamaril sa bayan ng Brookes Point


[Updated] Patay matapos pagbabarilin ng limang di pa nakilalang armadong suspek si Gilbert Baaco Y Sichon, 44 y/o, may-asawa, hepe ng Palawan Rescue 165 bandang alas-8:20 gabi ng Biyernes Santo, Abril 14 sa Bgy. Barong-Barong, Brookes Point, Palawan.

Base sa blotter ng Pulisya, naka-camouflage at camouface (marka sa mukha) ang tatlong armadong lalaki at dalawang babae nang pumasok sa tahanan ng mga Baaco. Unang nadatnan ang asawa ng biktima na naghuhugas ng pinagkainan at una siyang tinutukan ng baril. Sumigaw umano ang huli bilang warning sa asawang biktima na noo’y nasa loob ng kanilang kwarto. Nang lumabas ang biktima ay saka ito pinaputukan.

Agad tumakas ang mga suspek habang sinubukan namang dalhin ang biktima sa Leoncio General Hospital subalit binawian ito ng buhay. Sa mga lumabas na ulat sa Media, apat ang naging tama ng baril na ikinasawi ng biktima.

Narekober naman sa crime scene ang dalawang hagdan na gawa sa kawayan na ginamit ng mga suspek upang makapasok sa bakuran ng mga Baaco, 4 na piraso ng bandolier na loaded ng magazine, 111 piraso ng ammunition para sa M16 riffle at ilan pang kagamitan.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang tugisin ang mga salarin.

Sa panayam naman Bandera News FM kay Provincial Information Officer Atty. Gil Acosta nagpahayag ito ng kalungkutan sa pangyayari dahil malaking kawalan umano si Baaco sa Provincial Government. Maliban sa Rescue 165, hawak din nito ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Community Affairs at ilan pang programa ng Kapitolyo.

Nanawagan din ito ng katarungan sa aniya’y “senseless” na pagkamatay ng biktima.


You may also like...