Hagedorn sinampahan ng kasong plunder


Ni Grace Belostrino

Sinampahan ng kasong plunder at malversation of public funds sa Ombudsman si dating Puerto Princesa City mayor Edward S. Hagedorn.

Ang nagsampa ng kaso ay sina Rodrigo Saucelo, Wilfredo Rama at Antonio Lagrada na mga kilalang tagasuporta ni Mayor Lucilo Bayron. Wala umanong sapat na dokumento sa paggamit ng pondo ng pamahalaang lungsod na nagkakahalaga 65.5 milyong piso mula 2008 hanggang 2011.

Bukod kay Hagedorn, kinasuhan din si dating city administrator Atty. Agustin Rocamora at ilan pang indibidwal na sangkot umano sa kwetyunableng paglalabas ng naturang pondo.

Ang kasong ito ay nag-ugat sa pagtanggap ni Hagedorn ng milyong halagang  sa 18 magkakahiwalay na transaksyon.  Ipinalabas na reimbursement o inabonohan muna nito ang halagang P 65,683,661.79 kaya sa mga dokumento mula sa Land Bank of the Philippines “reimbursements” ang nakasaad.

Nakasaad sa complaint affidavit nina Saucelo, wala umanong kalakip na vouchers, official receipts at iba pang dokumento sumusuporta sa reimbursement claim ni Hagedorn.

Nilinaw ni Saucelo na walang kaugnayan sa nalalapit na recall election ang pagsasampa ng kaso laban kay Hagedorn.

“I am not doing this  for Mayor Bayron. I am doing this because this is the right thing to do,” ayon kay Saucelo.

Ayon sa Section 2 ng RA 7080, ang plunder ay nangyayari kung ang opisyal ng gobyerno  kasama ang kanyang mga kamag-anak, kanegosyo o tagasunod  ay nagkamal ng malaking halaga sa hindi tamang pamamaraan o hindi dumaan sa tamang proseso na nagkakahalaga ng P50,000,000.00 o higit pa. Ito ay may kaparusahan na habambuhay na pagkakulong.

Samantala, ayon naman kay dating Mayor Edward S. Hagedorn black propaganda at political harassment umano ang pagsasampa ng kaso para gustong sirain ito sa kanyang mga tagasuporta.

Kinukwestyon ni Hagedorn ang panahon ng pagsasampa ng kaso dahil itinaon pa ito sa panahon ng paghahanda para sa recall election.

Ayon kay Hagedorn, observation report pa lamang umano ng Commission on Audit ang hawak nina Saucelo. Aniya, ito umano ay malinaw na political harassment dahil nais nilang pigilan ang nakatakdang recall election.

Ang kampo ni Mayor Hagedorn ay magsasampa rin ng kasong perjury kila Saucelo dahil maling akusasyon ng mga ito.

Naniniwala si Hagedorn na madi-dismiss ang kasong isinampa ng grupo nina Saucelo at baka umano mas mauna pang lumabas ang desisyon sa kasong perjury na kanyang isasampa.

Ang perjury ay ang pagpapahayag ng mali at ito ay may kaparusahan na pagkabilanggo.

 

 

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...