Grupo ng Malaysian investors, bumisita sa lungsod


Pormal nang bumisita sa Puerto Princesa ang isang grupo ng Malaysian investors kahapon, Marso 8, para ihain kay Mayor Luis M. Marcaida III ang mga proyektong plano nilang gawin sa lungsod na may kinalaman sa turismo.

Ang pagbisita ng mga investors ay kaugnay sa mga planong programa ng BIMP-EAGA o Brunei Darussalam Indonesia Malaysia the Philippines – East ASEAN Growth Area, kung saan pinapalakas ang ugnayan ng mga miyembrong bansa para sa mas mabilis na pag-unlad ng mga ito.

Isa sa mga nakahandang proyekto ay ang Sabang Water Aircraft na kayang mag-landing at mag- ‘vertical take-off’. Mayroong 120-seating passenger capacity ang nasabing aircraft na direktang babiyahe mula sa iba’t ibang bansa sa ASEAN patungong Puerto Princesa, partikular na sa Sabang, Cabayugan.

Kasama din sa mga investments na tinutulak ng grupo ang pagtatayo ng BIMP Training Center para sa palitan ng produkto sa pagitan ng mga miyembrong bansa. Sa ilalim ng nasabing program, direktang maibabiyahe lulan ng mga ‘sea fast craft’ ang mga kalakal mula sa Pilipinas patungo sa Malaysia, Indonesia at Brunei, gayundin ang mga produkto mula sa naturang mga lugar papasok sa bansa.

Parte rin ng mga planong programa ang pagtatayo ng isang Halal Food Processing Center sa lungsod na magtutustos ng pagkain at produktong Muslim sa lokal at internasyonal na level.

Pinasalamatan naman ni Mayor Marcaida ang mga dayuhang mamumuhunan sa tiwala na ibinigay ng mga ito sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa.

You may also like...