Gandang Nanay” pageant tampok sa Women’s Month celebration sa lungsod


Tampok ang ‘Gandang Nanay’ pageant sa pagdiriwang ng International Women’s Month ngayong taon sa Puerto Princesa na ginanap nitong Marso 15 sa City Coliseum.

Walong naggagandahang nanay ang naglaban-laban para sa titulong ‘2017 Gandang Nanay’ ng lungsod.

Matapos ang tagisan ng talento at talino, itinanghal na Gandang Nanay 2017 si Joane Mendez ng Barangay San Pedro. Sinundan naman siya ni Ma. Isabelita Acopiado ng Barangay San Jose bilang 1st Runner-up at ni Maria Luz Gulane-Fang  bilang 2nd Runner-up. 3rd runner-up naman si Mary Jane Palao at 4th runner-up si Mary Grace Merced. Ang iba pang kasali na bumuo sa walong official candidates ay sina Marie Irene Tomenez, Geraldine Manican at Christine Jean Celeste.

Sa mensahe ni  Mayor Luis Marcaida III, kanyang pinapurihan ang mga nanay na sumali sa nasabing patimpalak. Aniya, isa umano itong pagkakataon para maipakita ng mga nanay ang kanilang talento at talino. Patunay umano ang pageant na ang mga nanay, bagaman abala sa pag-aalaga ng pamilya, ay meron ding galing na dapat pagyamanin. Dagdag pa ng alkalde, pagkakataon din ito para sa bonding, friendship at pagbuhay ng sense of socialization sa mga nanay.

Ibinahagi rin ni Marcaida ang kanyang pagpapahalaga sa mga nanay at sinabing kinikilala niya ang importansiya ng mga ito sa loob ng tahanan at pamilya. Ayon sa alkalde, ang tahanang walang nanay ay “malungkot, madilim at walang saya, samantalang, maliwanag, masaya at matibay dahil sa pagkalinga, pag-aasikaso at pagmamahal ng nanay sa loob ng tahanan”.

Ang selebrasyon para sa International Women’s Month sa lungsod ay nagsimula noong March 8, 2017, sa isang parada mula Robinson’s Place Palawan hanggang sa City Coliseum, kung saan doon ginanap ang isang programa.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...