DepEd-Palawan mag-iimbestiga kaugnay sa kasong rape na umano’y kinasasangkutan ng School Principal


Bagama’t hindi saklaw ng Department of Education ang kasong kriminal na kinakaharap sa ngayon ng isang School Principal sa bayan ng El Nido, bumuo ito ng fact-finding team upang alamin naman ang aspetong administratibo sa pangyayari.

 

Ayon kay Schools Division Superintendent Servillano Arzaga, ang fact-finding team ay binubuo ng tatlong tao kasama rito ang Division Legal Officer.

 

Sinabi ni Arzaga na layunin ng imbestigasyon na malaman kung may dapat bang isampang kasong administratibo laban sa School Principal ng umano’y suspek sa panggagahasa sa isang menor de edad sa bayan ng El Nido kasama ang isa pang estudyante.

 

Ang School Principal ay kasalukuyang naka Leave of Absence at pansamantala munang pinalitan sa posisyon.

 

” Right now po ang concerned school head ay nag-file na po ng leave, so ni- relieve po natin siya pansamantala sa kanyang paaralan habang merong kaso sa kanya,” ayon kay Arzaga.

 

Siniguro rin ni Arzaga na magiging patas ang kanilang gagawing imbestigasyon.

 

Matatandaan na noong Sabado ay nagreklamo sa El Nido PNP ang nanay ng biktima dahil sa umano’y ginahasa ang kanyang 15 anyos na anak. Itinuturo ng biktima na gumawa ng panghahalay ay ang kanilang School Principal at ang 19 anyos na boyfriend ng biktima.

 

Agad na sumailalim sa inquest proceedings ang mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office subalit ito ay nauwi sa regular filing kaya pansamantalang nakakalaya ang mga suspek.

 

Samantala, batay sa mapagkakatiwalaang source ng Palawan News, posible rin umanong may kaugnayan sa usapin sa lupa na kasalukuyang kitatayuan ng paaralan ang pagsangkot sa School Principal sa kaso.

 


You may also like...