Dagdag na ruta ng mga jeep, multicab sa lungsod nagsimula na


Nagsimula na ang pasada sa mga karagdagang ruta ng mga Public Utility Vehicles o PUVs, tulad ng mga jeepney at multicab, sa lungsod ngayong Lunes, ika-16 ng Enero. Ayon sa bagong sistema, ang mga multicab na may numero 1, ay papasok sa San Miguel patungong Rizal Avenue, daraan ng pier at lalabas naman sa Malvar Street. Samantala, ang mga may numero 2 ay papasok sa Malvar Street, iikot sa pier patungo ng Rizal Avenue hanggang Junction 1 at palabas naman ng San Miguel.

Nilinaw naman ni Ret. Col. David Martinez, Public Order and Safety Head, na hindi naman talaga binago ang mga dating ruta, kundi dinagdagan para magamit naman umano ng mga PUVs ang iba pang kalsada sa lungsod.

“Ang mga multicab na dati sa Rizal Avenue lang dumaraan, ay inoobliga natin na pasukin ang Malvar Street dahil marami na tayong mga kababayan na nangangailangan ng serbisyo ng multicab sa parteng ito,” ani Martinez. Aniya pa, “Isa pa, ay para ayusin din natin ang congestion nitong Rizal Avenue…ang tendency over crowded ang mga multicab natin at isang lugar lang ang naseserbisyuhan kaya nakita natin na dapat umikot sila para sa mga nangangailangan pa.”

Dagdag pa ni Martinez, ang pagdadagdag ng ruta ay isa na rin sa paghahanda ng lungsod para sa nalalapit na pagbubukas ng Puerto Princesa International Airport, gayundin ng SM Mall. Aniya, ngayon pa lang ay dapat na umanong masanay ang publiko.

Nagpaalala din si Martinez sa mga kababayan na maglaan ng kaunting tiyaga para sa mga unang araw habang nag-aadjust ang lahat sa bagong sistema.

 

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...