Dating Bataraza Mayor Ibba, tinambangan; 3 sugatan

Si dating Mayor at kasalukuyang Ex-Officio Board Member Abraham Ibba.

Posibleng si dating Mayor at kasalukuyang Ex-Officio Board Member Abraham Ibba umano ang target ng ambush na naganap pasado alas dos ngayong hapon sa national highway sa Barangay Tarusan, Bataraza.

“Ako talaga ang puntirya ng grupong ‘yon, tadtad ng bala ang aming sasakyan,” ani Ibba sa panayam ng RMN Palawan pasado alas tres ng hapon. “Sinalubong kami at pinaulanan ng bala gamit ang mga de kalibre baril.”

Ang convoy ni Ibba, kasama ang tropa mula sa Bataraza Municipal Police Station ay pabalik na ng Brgy Poblacion; nagmula ang mga ito sa imbestigasyon ng isang insidente ng pamamaril kamakailan lang sa Brgy Culandanum, Bataraza.

Kwento pa niya, naubusan ng bala ang kasama nilang mga pulis dahil na rin sa tumagal ng halos 15 minuto ang palitan ng putok sa pagitan nila at ng di pa nakikilalang armadong grupo na tumambang sa kanilang convoy. Nahirapan din sila sa pag-retaliate sa kalaban dahil may mga bahay na malapit sa lugar na posibleng matamaan.

Matapos ang palitan ng putok, sugatan ang dalawang pulis na sina SPO3 Erwin Baldemosa SPO2 Ronald Castro, habang sa mukha naman ang tama ni Banny Hasa na official driver ni Ibba. Nakaligtas naman ang tatlo at agad itinakbo sa isang hospital sa bayan ng Brooke’s Point.

“Ni-snipe ako, ang driver ko ang tinamaan,” sabi pa niya na nagtamo naman ng maliit na sugat sa kamay. Kumbinsido ang ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan na may kinalaman ang nauna nang mga insidente ng pamamaril sa bayan kamakailan kung saan kanyang kinumpirma na pawang tauhan niya ang mga biktima.

Gayunpaman, di pa agad matukoy ng mayoralty candidate kung may kaugnayan ang pananambang sa nalalapit na eleksyon. “Hindi ko pa matiyak kung may koneksyon ito sa eleksyon pero malalaman din natin iyan.”

Kontrolado na rin ngayon ang sitwasyon sa pinangyarihan ng insidente at pwede nang madaanan, partikular ng mga pampasaherong sasasakyan, matapos dumating ang grupo ng Marines at mga pulis para magsagawa ng clearing operation.

Samantala, nadiskubre naman mga otoridad ang pinagkampuhan ng armadong grupo sa gilid lamang ng National Highway na pinangyarihan ng pananambang. Sa ulat ng DYSP Palawan, nasa humigit kumulang sampu ang mga ito base na rin sa naging interpretasyon ni Ibba sa pinanggalingan ng mga putok.

Sinabi naman ni PSupt. Benjamin Acorda, direktor ng Provincial Police Office, na kapag mapatunayang election-related ang naganap na ambush kanina sa Bataraza ay posibleng mairekomenda ito sa Commission on Elections na isama sa listahan ng mga “hotspots” sa May 2016 election,kung saan magde-deploy ng karagdagang pwersa ng mga pulis sa lugar. (May ulat mula kina Leila Bingco-Dagot at Archie Barone)

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...