City PESO, patuloy ang aksyon para ibaba ang unemployment rate sa lungsod


Kasunod ng mataas na resulta ng unemployment rate sa lungsod ay patuloy ang mga karagdagang programa na ipinapatupad ng City Public Employment Service Office (City PESO). Partikular na isinusulong ng nasabing ahensya ang Special Privilege for the Employment of Students o SPES, isang programa katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng trabaho ng mga kabataan sa lungsod.

Sa panayam ng Palawan News kay Demetrio Lopez, City PESO Manager, ang programang ito ay base sa batas na naglalayong makapagbigay ng serbisyo sa mga kabataan na kulang ang kakayahan para sa malalaking kompanya. Layon ng program ang mapalago ang kanilang mga abilidad at talento kung saan binibigyang prayoridad ang mas higit na nangangailangan.

“Nakita kasi ng DOLE na masyadong mataas ang unemployement rate natin dito sa lungsod lalo na ‘yung may edad 18-24. Kaya talagang nagpupursigi tayo na makatulong kasama ang DOLE at pamahalaan at makakatulong ito para makapagbigay tayo ng trabaho sa mga kabataan lalo na doon sa mga nakikita natin na mas higit na nangangailangan,” ani Lopez.

Kaugnay din nito, inilunsad ng DOLE ang ‘Jobstart’, kung saan ang mga tatanggaping aplikante ay ang mga nagkakaedad 18-24. Lalahok sa isang 10-araw na pagsasanay ang mga partisipante tungkol sa maayos na pag-uugali at pakikisama sa kapwa. Matapos ang nasabing training ay isasalang naman sila sa isang internship program kung saan 75% ng minimum wage sa MIMAROPA ang kanilang matatanggap.

Dagdag pa ni Lopez, ngayong taon ay mas gumaganda ang mga ginagawa ng SPES dahil sa mga pagbabago na alam nilang mas pabor sa mga walang trabaho.

“Dati kasi tuwing summer lang, ngayon whole year na. Dati 15-25 lang years old lang, ngayon 15-30 lang, so ganoon ang nangyayari may mga pagbabago sa batas na mas lalong pinapaganda ang serbisyo sa mga kabataan,” paliwanag nito.

Ipinaabot naman ng City PESO ang kanilang pasasalamat at ramdam nila umano ang koordinasyon ng mga barangay at mismong mga kabataan para makatulong na mababa ang kawalan ng trabaho sa lungsod.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.