Boatman sa El Nido, kinasuhan ng rape ng 2 turista mula Slovakia

Makikita sa larawan ang magandang isla ng Cadlao sa bayan ng El Nido kung saan diumano ay ginahasa ng isang boat crew ang isang 26-anyos na Slovakian at tinangkang gahasain ang isa pa na 28-anyos. Naka-detine na sa Palawan Provincial Jail ang suspek na si Romulo Arnosa.


Dalawang babaeng Slovakian nationals na turista sa El Nido ang nagsampa ng kasong rape at attempted rape laban sa isang boat crew noong gabi ng March 7 matapos mag-night camping diumano sa isang isla.

Sa panayam ng Palawan News kay Police Inspector Lodell Lota ng El Nido Municipal Police Station (MPS) nitong Sabado, pinangalanan nito ang suspek na si Romulo Arnosa, 30, at crew ng bangkang Sweet Madonna.

Naganap umano ang insidente sa Cadlao Island, Barangay Buena Suerte, El Nido, habang nagna-night camping doon mga 12:30 a.m. ang dalawang Slovakian nationals na itinago sa mga alyas na Martina, 26, at Kvena, 28.

“Itong suspek ay inirereklamo ng rape noong 26 years old na victim. Yong isa na 28 years old naman, ang complaint laban sa kanya ay attempted rape,” sabi ni Lota.

Naganap umano ang panggagahasa habang nag-iinuman ang mga Slovakian nationals sa Cadlao Island habang ang kanilang mga boyfriends ay wala. Pagbalik ng mga ito, nagsumbong na ang dalawang Slovakian at sinabing sila ay na-molestiya ni Arnosa.

Matapos ang reklamo ay agad na inaresto si Arnosa na ngayon ay nakakulong na sa Palawan Provincial Jail (PPJ) matapos masampahan ng kasong rape at attempted rape.

Nagbabala naman si PPO director Senior Superintendent Gabriel Lopez sa mga boat crewmen at tour guides sa El Nido na huwag magtangkang tularan ang ginawa diumano ng suspek kung ayaw nilang sapitin ang kaparehong kapalaran.

“Kahit lasing ang turista, o magpakita ng motibo sa inyo, hindi dapat na gagawaan ng masama kasi lasing nga. Hindi na alam ang ginagawa ng mga iyan kapag lasing, bakit niyo sasamantalahin?” pahayag nito.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...