Binata, timbog sa drug buy-bust sa San Jose

Ang naarestong suspek sa drug bust na si William Granali Zenarosa. Inaresto siya ng pinagsamang puwersa ng mga otoridad laban sa iligal na droga. (Photo courtesy of CPO)


Timbog sa pinagsanib na puwersa ng mga anti-illegal drug authorities ang isang jobless na 23-anyos na lalaking residente ng Barangay San Jose sa isang buy-bust operation na ikinasa mag-aalas dos ng hapon ng Biyernes, February 9.

Kinilala ang naarestong suspek na si William Granali Zenarosa, binata, walang trabaho, at residente rin ng Barangay San Jose, na diumano ay tulak ng marijuana.

Inaresto siya sa Lomboy Street sa naturang barangay matapos manggaling sa isang forwarding company kung saan diumano kinuha nito ang isang package kung saan pinaghihinalaang nakalagay ang mga dried marijuana leaves.

Makikita sa larawan ang mga pinatuyong dahon ng marijuana na nakumpiska sa suspek.

Ayon sa report mula sa City Police Office (CPO), nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang 16 piraso ng papel kung saan nakabalot ang mga tuyong dahon ng marijuana at isang unit ng iPhone 7.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na ang cell phone na nakumpiska kay Zenarosa ay naglalaman umano ng mga transaksyon sa sinasabing pagbebenta niya ng marijuana.

Dinala siya agad matapos maaresto sa barangay hall ng San Jose kung saan din isinagawa ang inventory at marking ng mga ebidensya.

Sa ngayon ay hawak na ng mga otoridad ang naturang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Art. II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Ang buy-bust operation ay pinagtulungan ng mga operatiba ng CDEU-PPCPO, CMFC-PPCPO, PDEA Palawan Personnel at ng Anti-Crime Task Force ng city government ng Puerto Princesa. Naging team leader nito si Police Chief Inspector Mervin Immaculata.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...