Baragatan Festival, magsisimula na


Sa temang “Sa Likas-kayang turismo, Palaweño ay aasenso” ay opisyal nang magsisimula ang Baragatan Festival ngayong Hunyo 16, ang araw ng ika-115 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng gobyernong sibil ng lalawigan ng Palawan.

Ayon kay Provincial Information Officer Gil Acosta Jr., kasadong-kasado na ang lahat kasama ang mga inihandang palabas. Pihadong magugustuhan umano ang mga ito ng mga manunuod dahil matagal na itong pinaghandaan.

“Very ready na ‘yung Baragatan, sigurado marami ang matutuwa dahil talagang pinaghandaan natin ito,” ani Acosta.

Kabilang sa mga matutunghayan ang sari-saring palabas na inihanda ng lalawigan kung saan itatampok ang tunay na kultura ng Palawan sa larangan ng isports, agrikultura, turismo, at iba pa.

Dagdag pa ni Acosta, mas magiging mahigpit sila sa lahat lalo na ang magiging seguridad ng mga dadalo dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga manunuod.

“Nasa top priority po natin ang seguridad, konting tiis lang dahil isa-isa ang pag-check ng bagahe ng mga pumapasok para makaiwas sa ano mang gulo,” ani Acosta.

Kaugnay pa rito, binuksan na rin ang mga booths at matutunghayan na tuwing gabi ang iba’t ibang klaseng palabas.

Inaanyayahan naman ni Acosta na makiisa ang lahat sa selebrasyon. Inaasahan umano nilang magugustuhan ng publiko ang mga inihandang aktibidad at sinisiguro rin nilang magiging ligtas ang lahat.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...