=

Bangkay ng nawawalang mangingisda sa San Vicente, natagpuan na


Naaagnas na ang bangkay nang matagpuan kahapon, ika-3 ng Enero, ng mga residente at opisyales ng Bgy. Alimanguan, San Vicente si Arsenio Francisco, 38 anyos, isang mangingisda na isang linggo nang nawawala

 

Ayon kay Police Inspector Armando Golifardo ng San Vicente Municipal Police Station, tadtad ng tama ng bala ng baril ang katawan ng biktima. Maliban dito tinalian din ng nylon ang bibig nito nang matagpuang palutang-lutang sa Buayan Island sa Bgy. Poblacion.

 

Unang natagpuan ang bangkang sinasakyan nito sa pangangawil, na may mga bahid ng dugo, tatlong araw bago nakita ang bangkay ng biktima matapos idulog ng mga opisyales ng barangay sa PNP na nawawala si Francisco.

 

Hindi na naisailalim sa autopsy ang bangkay dahil agad din itong inilibing kahapon ng pamilya matapos na irekomenda ng Rural Health Unit ng San Vicente bunsod ng masamang epekto nito sa kalusugan ng tao.

 

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, may matagal nang kaalitan ang biktima at sinamantala na nag-iisa ito sa kanyang bangka para sana mangawil.

 

Hinala ng mga kaanak ng biktimang si Francisco na may kinalaman sa alitan sa lupa ang insidente, na siyang iniimbestigahan na ngayon ng mga otoridad.

 

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.