Bahay ng ina ni Mayor Feliciano, pinasok, katiwala patay

Makikita sa larawang ito ang isang pulis sa Brooke’s Point na nag-iimbestiga sa loob ng isang kuwarto kung saan sinaksak at napatay ang katiwala na si Ian Rod Ubod.


Napatay sa saksak ang isang lalaking katiwala sa bahay ng 80 taong gulang na nanay ni Mayor Mary Jean Feliciano na si Ginang Lily M. Delos Angeles noong Sabado, June 9, ng umaga sa Poblacion District 1, Brooke’s Point.

Sa paunang impormasyong nakalap ng Palawan News mula kay Gng. Delos Angeles, ganap na 12:45 umano ng madaling araw nang narinig niyang may kumalampag sa bandang sala ng bahay kasabay ang mahinang tawag sa kanila ng biktima.

“Halos wala na syang boses ng tumatawag sya, sabi nya — ‘Lola, Lola napasok po tayo.’ Pagkatapos, nang buksan ko ang pinto nagulat ako dahil puro na sya dugo,” ani Gng. Delos Angeles.

Kinilala ang biktima na si Ian Rod Ubod, 23. Naisugod pa ito sa Leoncio General Hospital subalit idineklara din itong dead on arrival dahil sa 26 na saksak na tinamo nito sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyang nagiimbestiga ang SOCO ng pulis sa naturang lugar habang hinihintay ang pagdating ni Mayor Feliciano mula sa Puerto Princesa.

Tumanggi munang maglabas ng dagdag na impormasyon ang mga imbestigador sa pangunguna ni PO3 Ian Alzaga.

You may also like...