Bagong paliparan idinepensa ang pamamahala


Matapos ang mahigit isang buwan nang buksan ang bagong paliparan ng lungsod ay iginiit ni Civil Aviation Authority of the Philippines head Engr Percy Malonesio na maganda ang nagiging takbo ng pamamahala nito.
Ito ay matapos makapanayan ng Palawan News ang kanilang tanggapan kaugnay sa mga natatanggap na mga negatibong komento kung saan sinasabi ng ilan na paliparan lang ang binago ngunit ang pamamalakad ay ganoon pa rin.
“Kulang talaga sila sa information na dapat sana may mag-explain sa kanila, actually ako hindi ako nahirapan sa mga tao, regarding sa mga passengers ay na-assist ko rin lalo na kung may PWD at Senior Citizen,” paliwanag ni Malonesio.
Kaugnay nito, tinukoy din ni Malonesio na ang mahabang pila ay dahil sa sistema ng ibang airlines na hindi pa gumagana ng maayos ngunit ngayon ay maayos na umano ang mga ito.
Iginiit din niya na para sa seguridad ng nakararami ang pagsara ng kabilang lane patungo sa paliparan. Ito ay pagsunod lamang umano sa ibinabang kautusan kaugnay ng pagtaas ng security level sa lugar.
“In case na may suicide bomber ay hindi agad makakadiretso, kung may pinasabog automatic hindi agad maaapektuhan ang mga tao malapit sa terminal,” dagdag pa niya.
Samantala, mas higit naman umanong komportable at maginhawa ang bagong paliparan kumpara sa dati at handang-handa ito para sa pagdagsa ng mga turista sa lungsod at lalawigan.
Sa ngayon, nananatili umanong positibo ang pamahalaan ng paliparan kung paano mapapalawak ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng pagpapaigting ng seguridad at pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan.

Use of materials from this Website, including any commercial use, reproduction, distribution, re-publication, broadcast, and display or performed, without prior permission of Qubes Publication and Ads Promotion is strictly prohibited.

You may also like...