Bagong halal na barangay kapitan sa Bataraza, arestado dahil sa droga

Ang suspek na si Ibrahimal Saipula (una sa kanan) habang kinakausap ni Chief Inspector Remorico Remo (pangatlo mula sa kaliwa) ng provincial PNP drug enforcement unit at mga representante ng Barangay Sarong, Bataraza, matapos siyang makumpiskahan ng mga pakete ng diumano ay shabu at fragmented grenade.


Inaresto diumano ng pulisya ang bagong halal na kapitan ng Barangay Sarong, Bataraza, na si Ibrahimal Saipula ngayong Sabado, June 2, dahil sa hinalang pagbebenta ng shabu.

Ayon kay Chief Inspector Romerico Remo, inaresto nila si Saipula bandang 2 a.m. sa bahay nito matapos isilbi sa kanya ang search warrant na ibinaba ni Judge Ramon Chito Mendoza ng Branch 165 ng Palawan Regional Trial Court (RTC) sa Brooke’s Point.

Nakumpiska sa loob ng kanyang bahay ang pitong pakete ng pinaghihinalang shabu at isang fragmentary grenade.

“Ang search warrant ay inisyu sa kanya dahil ayon sa aming monitoring at sa mga sumbong ng sibilyan na siya ay involve sa selling ng illegal drugs,” pahayag ni Remo sa Palawan News.

Sa ngayon ay inihahanda na umano nila ang pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag umano nito sa Section 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165.

Sinusuri din umano nila kung anong bahagi ng Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang nilabag nito dahil sa nakumpiskang fragmentary grenade sa kanya.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...