Bagong City at Provincial Director ng PNP, pormal nang naupo sa puwesto


Matapos ang dalawang magkakasunod na turn-over ceremony, pormal nang naupo sa kani-kanilang mga pwesto ang mga itinalagang bagong City at Provincial Director ng Puerto Princesa at Palawan.

Matapos ang panunungkulan ni Police Superintendent Robin Sarmiento bilang director ng City PNP, itinalagang bagong City Police Director si PSSUPT. Ronnie Francis Cariaga nitong Lunes, ika-28 ng Pebrero.

Sa kanyang pag-upo bilang bagong City PNP Director, ipinabatid ni Cariaga ang pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na pagsusugal o ‘illegal gambling’, partikular na ang pagsasabong o ‘cockfighting’ sa lungsod.

Sa kabilang banda, matapos ang pitong buwan na pansamantalang panunungkulan ni PSSUPT Roade Tombaga, pormal nang itinalaga bilang bagong Provincial Director si PSSUPT. Gabriel Lopez nitong Martes, ika-1 ng Marso.

Bilang bagong provincial director, sinabi ni Lopez na isa aniya sa kaniyang focal point ay ang pagpapalakas ng pwersa ng tourist police sa lalawigan. Dagdag pa nito, aasahan umano niya ang paglalapit ng kalooban ng mamamayan ng Palawan sa kapulisan tungo sa katahimikan ng lalawigan. Umaasa umano si Lopez na pag-iibayuhin pa ng kapulisan ang ini-atang na tungkulin sa anumang klase o uri ng kriminalidad na laganap sa lalawigan.

Samantala, kamakailan lamang ay muli nang ibinalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulisya ang pagsasagawa ng operasyon kaugnay sa illegal na droga. Ani bagong Provincial Director, hinihintay na lamang umano nito ang guidelines mula sa higher headquarters para sa nasabing operasyon.


You may also like...