Babaeng fetus natagpuan sa liblib na lugar sa Brooke’s Point

Posible umanong inilaglag o in-abort ang bata at inilibing sa Sityo Pintasan kung saan inakala ng ina nito na walang makakakita sa bata.


Isang babaeng fetus na tinatayang nasa 5-7 buwan ang natagpuan kaninang madaling araw, May 17, sa isang liblib na lugar sa bayan ng Brooke’s Point.

Nadiskubre ito sa Sityo Pintasan, Barangay Barong-Barong, ng isang nagngangalang Roquida Longisa sa lugar kung saan kanyang itinatali ang mga alagang baka, ayon kay Senior Inspector Bronson Carampto, ang hepe ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS).

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang papunta si Longisa sa kanyang mga alagang baka ay may napansin itong kulay green na tila damit na nakalitaw sa kabubungkal lamang na lupa.

Dala ng pagdududa, inutusan nito ang dalagitang apo na hukayin ang lupa upang malaman kung ano ang meron dito. Nagulat umano ang mag-lola ng tumambad sa kanila ang kaawa-awang itsura ng fetus na halos bali ang leeg at tila sunog ang kalahating katawan.

Agad nilang itinawag ang nakita sa pulisya, ayon kay Caramto, upang kanilang imbestigahan.

“Dinala namin sa SPPH (Southern Palawan Provincial Hospital) pansamantala ang fetus habang iniimbestigahan. Walang umaamin o makapagbigay ng impormasyon sa paligid kung sino ang posibleng ina ng bata,” pahayag nito.

Kasama umano sa kanilang imbestigasyon ang alamin sa barangay kung sino ang kailan lang ay nagpa-prenatal check up.

“Nakipag-ugnayan din kami sa kapitan ng barangay at tinanong namin si kapitan Elgenio Caabay kung merong record ng nagpa-prenatal sa mga barangay health workers subalit wala naman daw,” idinagdag ni Caramto.

Posible umanong inilaglag o in-abort ang bata at inilibing sa Sityo Pintasan kung saan inakala ng ina nito na walang makakakita sa bata.

Sabi ni Caramto, dahil walang lumilitaw na nanay ng fetus, ipinasya nilang bigyan ito ng maayos na libing.

You may also like...