Aplikasyon sa scholarship sa WPU patuloy na tinatanggap ng 3rd Congressional District

Kinakausap ni Congressman Gil “Kabarangay” Acosta ang mga scholars upang matiyak na sila ay maayos na nagagabayan.

Patuloy sa pagtanggap ng mga aplikante ang tanggapan ni 3rd District  Congressman Gil “Kabarangay” Acosta para sa Western Philippines University upang mapabilang sa scholarship program ng tanggapan ng ikatlong distrito at Commission on Higher Education (CHED).

Sa kasalukuyan, kumpleto na ang bilang ng mga scholars sa Palawan State University subalit bukas pa ang aplikasyon para sa WPU.

Umaabot sa 250 mag-aaral sa ikatlong distrito ng Palawan na sinasakupan ng lungsod ng Puerto Princesa at bayan ng Aborlan ang nakapasa sa naturang programa na tinatawag na Kabarangay Educational Assistance Program (KEAP).

Sa bilang na ito 118 ang naka-enrol sa Palawan State University (PSU), 87  sa Western Philippines University (WPU) sa Aborlan at 45 ay mula sa WPU Pajara, Puerto Princesa campus.

Kamakailan, personal na kinausap ni Cong. Acosta ang mga scholars upang ipaliwanag ang mga katangian ng isang “scholar”.

Ayon kay Acosta dapat panatilihin ng mga ito ang mataas na grado at laging pakikiisa sa mga pagpupulong na ipinapatawag ng tanggapan ng ikatlong distrito.

Pagkakalooban ng insentibo ang sinumang scholar na mapapanatili ang mataas na grado bilang “reward” sa pagsisikap ng mag-aaral.

Para sa iba pang mga katanungan, magtungo lamang sa Capitol Compound, Fernandez Street, Barangay Tanglaw, Puerto Princesa City. Hanapin si Bb. Krizzel Magay at dalhin ang mga sumusunod na kinakailangan:

  1. Class Cards o Copy of Grades (SY 2016-2017 2nd Sem)
  2. Certificate of Registration (COR) (SY 2016-2017 2nd Semester & SY 2017-2018 1st Sem)
  3. 2×2 ID picture
  4. Statement of Account
  5. Certificate of Indigency

 

Bukod pa sa mga nabanggit na requirements, ang mga benepisyaryo ng KEAP scholarship ay kinakailangang kumuha lamang ng apat na taong kurso o four-year course base sa abiso ng CHED.

You may also like...