Ang yugyog sa buhay ni Christian


Siya ang nagtatag at direktor ng Palawan State University Sining Palawan Dance Troupe. Siya ang direktor ng Social and Cultural Affairs Office (SCAO). Siya si Dr. Christian Jardin, 34 taong gulang at mayroong cancer sa lymph nodes.

Si Christian ay nagtapos sa Philippine Normal University. Kasama ang kaibigang si Janice Olasiman, nag-apply at natanggap na magturo sa Palawan State University.

Dahil sa kanilang kaalaman sa paghawak ng dance troupe, sa kanila iniatas ng unibersidad na hawakan ang grupo.

Nang mag-asawa at bumalik ng Cavite Si Janice, itinuloy-tuloy na ni Christian ang paghawak sa dance troupe.

Siya ay mabuting anak at mabuting tagapagtaguyod ng pamilya. Isang mabuting lider.

Ayon kay Luigi Marco, ang kanyang assistant, isang mabuting kaibigan at boss si Christian. Simula sa pagiging estudyante, nakilala ni Luigi si Christian bilang isang trainer sa kanilang dance troupe.

Isa si Luigi sa mga pioneering members ng PSU Sining Palawan Dance Troupe kaya’t kilalang-kilala niya si Christian sa pagtuturo at pagpapalaganap ng mga katutubong sayaw sa Palawan at iba’t ibang lugar. Hanggang makapagtapos si Luigi at maging assistant ni Christian. Siya rin ang isa sa mga ninong ng anak ni Luigi.

Sabi ni Luigi, mahigpit na dance trainer ng PSU Sining Palawan si Christian. Alam niyang mayroon pang igagaling ang mga miyembro ng Sining Palawan na nagbunga naman talaga ng pagkilala at parangal ang mga pagdidisiplina ni Christian. Katunayan dito ay ang mga pagtatanghal na ginawa sa iba’t-ibang lugar sa Amerika gaya ng Los Angeles, Texas, Florida, Las Vegas at San Francisco noong 2006 at 2007.

Hanggang nitong mga huling bwan, sumasakit ng madalas ang tiyan ni Christian. Naospital siya dahil sa sakit at noong una sinabing ito ay gastritis o ulcer. Nagpahinga muna siya ng mga ilang araw. Nang muli siyang naospital nakita na sa resulta ng kanyang CT Scan ang mga bukol sa tiyan niya. Nagsunod sunod na ang mga tests na ginawa sa kanya hanggang sa matiyak na si Christian ay mayroong lymphoma o cancer of the lymph nodes.

Agad na sinimulan ang chemotheraphy. Dito na nagsimulang bumagsak ang katawan ni Christian. Hanggang sa napagdesisyunan na ilipat na lamang siya sa Nueva Ecija, ang kanyang bayang pinagmulan, at doon magpa-ospital at magpagaling.

Ang cancer in the Lymph Nodes, ayon sa www.cancercenter.com ay pamamaga sa mga lymph nodes na karaniwang nagmula sa mga impeksyon. Ang Lymph Nodes ay mga bean-shaped na parte ng katawan natin na siyang tumutulong para labanan ang mga sakit at impeksyon. Ang mga lymph nodes ay nasa buong katawan at karaniwang nasa leeg, kili-kili, tiyan at singit. Karaniwang tawag natin sa lymph nodes ay kulani.

Paano tinanggap ng mga nasa paligid ni Christian ang lahat.? Nahirapan ng husto si Luigi na tanggapin ang lahat ng ito. Nasanay siyang si Christian ang nagdedesisyon sa lahat ng bagay. Nasanay siyang malakas at masigla ang kaibigang nagsimula ng sayaw at galaw ng kanilang grupo. Nadurog ang puso niya ng makita niya si Christian na mayroong iba’t-ibang aparato na nakakabit sa katawan at nasa Intensive Care Unit ng ospital.

Kung mayrooong isang bagay na magandang idinulot nito ay ang makita ni Luigi ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga kasalukuyang miyembro at Alumni ng PSU Sining Palawan Dance Troupe. Maging ang mga estudyante at mga guro ng buong PSU ay nakiisa at tumulong upang makayanan kahit papaano ang lumalaking halaga ng mga gamot, hospitalisasyon at pag aalaga kay Christian.

Dahil dito sa darating na Miyerkules, ika-2 ng Agosto, magkakaroon ng isang Alay-Pagtatanghal para kay Chrstian Jardin sa PSU Gym, alas-6 ng gabi. Susundan ito ng mas malaking pagtatanghal kasama ang Palawan Performing Arts sa Capitol sa August 4, 2017, alas-sais ng gabi.

Mayroon ding statement shirt na ibinibenta ang Student council ng PSU. Ang mapapagbentahan nito ay itutulong din kay Christian.

Kung nais pang makatulong, mangyaring makipag-alam kay Gng. Luigi Marco sa cellphone #0977-844-4551. Maaari ring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Palawan News na matatagpuan malapit sa Caltex Station sa Robinsons Place.

Inilathala namin ang kwento ni Christian upang humingi ng dasal sa lahat ng nakakabasa nito.

You may also like...