Abusadong mister, tinangkang sunugin ang bahay ng kanyang misis


Isa umanong abusadong mister ang ikinustodiya ng mga opisyales ng Barangay San Pedro matapos tangkaing sunugin ang bahay ng magulang ng kanyang misis noong Linggo, June 3, ng hapon sa BM Road.

Kinilala itong si Ken Igam, 29 anyos, matagal ng walang trabaho at nakikitira lang sa bahay ng magulang ng kanyang asawa na kinilala lang bilang si “Alyas Anna.”

Bago naganap ang pangyayari bandang 4 p.m. noong Linggo, nalaman ng Palawan News na noong nakalipas na Lunes, May 28, ay inireklamo na sa pulisya si Igam dahil sa pang-aabuso sa misis.

Pero ibinalik ang kaso sa barangay matapos itong maipa-blotter, at dahil nagkapatawaran ay napakawalan din.

Pero kahapon, muli itong isinailalim sa kustodiya ng barangay dahil sa pagsunog ng mga importanteng dokumento ng misis sa loob mismo ng kanilang kuwarto gamit ang isang lighter.

Natakot si Alyas Anna at ang mga magulang nito dahil habang nasa akto ay nakamasid din ang siyam na taong gulang nilang anak na lalaki.

Sa sobrang takot dahil sa pagwawala at pagsisira ng mga kagamitan, lalo na ang ihagis ang isang patalim sa magulang na lalaki ng misis, muling inireklamo si Igam.

Ayon kay Alyas Anna, marami namang alam na trabaho ang mister pero dahil sa pagiging mapili umano nito, ay umabot na sa apat na taon na wala itong trabaho. Ang inaasahan lamang nila ay ang kanyang kita sa palengke.

Muling maghaharap ang mag-asawa para pag-usapan kung paano maaayos ang problema.

You may also like...