71-anyos na lalaki, pinatay sa saksak sa Sicsican

Ang biktima ay kinilalang si Ricardo Rosario, welder at driver, at residente ng Dr. Rivera Road, Barangay San Manuel (Photo credit: Police Station 2)


Patay sa saksak ang isang 71-anyos na lalaki sa Purok Lanzones, Barangay Sicsican noong madaling araw ng March 9.

Ang biktima ay kinilalang si Ricardo Rosario,  welder at driver, at residente ng Dr. Rivera Road, Barangay San Manuel. Kinilala siya ng Police Station 2 sa pamamagitan ng spot report na inilabas ni PSI Felix Rivera.

Ang suspek naman ay isang menor de edad na lalaki, at residente ng naturang lugar kung saan naganap ang pananaksak.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang pananaksak ay nakipag-inuman pa ang biktima sa nanay ng suspek na si Janice Olson, at sa iba pang mga kasama nila na sina Mary May Samillano, Vince Jether Samillano, at Nenita Demontano sa carinderia na pag-aari nila.

Matapos makainom ng halos limang bote ng Red Horse, ang grupo ng biktima ay lumipat pa sa Fort Bar at bumalik sa carinderia ng mga Olson bandang 10:00 p.m. at uminom pa ulit.

Si Demontano ang nag-alok sa biktima para matulog sa kanyang kuwarto na malapit sa carinderia para di na umuwi pa dahil sa ito ay lasing.

Bandang 12:30 a.m. ay saka na nagsabi ang suspek sa kanyang ina na siya ay may napatay. Di nabanggit sa spot report ang dahilan kung bakit naisagawa ng suspek ang krimen.

“Nay, nay, patawarin mo ako, may napatay ako,” ayon sa spot report. Nang puntahan ni Janice ang kuwarto ng biktima, nakita na nitong patay si Rosario.

Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng pulisya ang dahilan ng menor de edad kung bakit napatay nito ang matandang lalaki.

You may also like...