62-anyos na lalaki, nakitang patay sa sariling bahay

Nakitang nakasubsob na sa loob ng kanyang bahay at wala ng buhay si Danilo Garcia sa Sitio Mintis, Barangay Maryugon. (Photo by City Police Office)


Isang 62-anyos na lalaki ang natagpuang patay na ng kanyang kapitbahay sa sarili nitong tinitirahan na kubo sa Sitio Mintis, Barangay Maryugon bandang 10:30 ng umaga ng February 8.

Kinilala itong si Danilo Garcia na diumano ay taga-Sorsogon, Bicol. Bukod sa impormasyon na ito, wala ng iba pang pagkakakilanlan sa kanya.

Ayon sa ulat ng City Police Office (CPO), si Garcia ay natagpuang wala ng buhay ng kanyang kaibigan at kapitbahay na si Medardo Arzaga.

Nag-alala umano si Arzaga ng tatlong araw na ay hindi pa pumapasyal sa kanilang bahay si Garcia na naka-ugalian na nitong gawin ng madalas.

Dahil sa pag-aalala kung ano na ang nangyari dito, pinuntahan umano ni Arzaga ang bahay ng kaibigan, ngunit nagtaka ito dahil sa kakaibang mabahong amoy na sumalubong sa kanya.

Nang pasukin ni Arzaga ang loob ng bahay kubo, nakita niyang nakasubsob si Garcia sa isang bahagi na patay na.

Sa imbestigasyon na isinagawa, lumalabas na walang foul play na nangyari sa pagkamatay ni Garcia.

You may also like...