1 patay, 3 sugatan sa aksidente sa Narra

Photo: Brigada News FM FB Page

Patay ang isang lalaki habang tatlo ang sugatan sa isang aksidenteng naganap noong Lunes sa National Highway, Barangay San Isidro, Narra, Palawan.

Bumangga ang isang Mitsubishi Monterong sasakyan sa isang puno matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito nang iniwasan nya ang isang asong tumatawid sa highway.

Idineklarang dead on arrival sa Narra Hospital ang sakay ng Montero na si Melbert Loreto, 24 anyos, residente ng Sofronio Española, Palawan.

Nagtamo naman ng malubhang sugat ang drayber na si Rolly Baillo, gayundin ang mga pasahero nitong sina Miriam Loreto, 48 anyos, at si Jesus Tuniaco, 63 anyos, parehong residente ng bayan ng Sofronio Española.

Ayon sa imbestigasyon ng Narra Municipal Police Station, lulan ng isang Montero ang apat na biktima at kasalukuyang bumabiyahe papuntang Lungsod ng Puerto Princesa nang biglang magulantang ang drayber sa isang tumatawid na aso. Nang tangkain nitong iwasan ang aso ay biglang nawala ang kontrol nito sa manibela at tuluyang sumalpok sa isang puno sa tabi ng kalsada.

Isinugod sa pagamutan ang mga lulan ng sasakyan subalit idineklarang DOA si Loreto, habang ang mga kasama nito ay kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa lungsod ng Puerto Princesa.

You may also like...